1 Noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito:
2 “Ito ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda.
3 Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem.
4 Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.”
5 Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem.