1 Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes:
2 Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus
3 na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki;
4 sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki;
5 sa angkan ni Zatu ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki;
6 sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki;
7 sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki;
8 sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki;
9 sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki;
10 sa angkan ni Bani ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki;
11 sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki;
12 sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki;
13 sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki;
14 sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.
15 Sinabi ni Ezra,“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita.
16 Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan.
17 Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos.
18 Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo.
19 Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito.
20 Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.
21 “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian.
22 Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya.
23 Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.
24 “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila.
25 Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo.
26-27 Ang mga ibinigay ko sa kanila ay 22,750 kilong pilak; sandaang sisidlang pilak na may bigat na pitumpung kilo; 3,500 kilong ginto; dalawampung mangkok na ginto na ang timbang ay walong kilo at apat na guhit; at dalawang mangkok na yari sa pinong tanso na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.”
28 Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog.
29 Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.”
30 Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.
31 Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway.
32 Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon.
33 Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui.
34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.
35 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh.
36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga pinuno ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates ang nakasulat na utos ng hari. Sa bisa ng utos na ito ay tumulong ang mga pinuno sa buong bayang Israel at sa pagsamba sa Templo ng Diyos.