Ezra 3:1-7 RTPV05

1 Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem.

2 Ang altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos.

3 Bagama't takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi.

4 Ipinagdiwang din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw.

5 Bukod dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh.

6 Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.

7 Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia.