Ezra 3:5-11 RTPV05

5 Bukod dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh.

6 Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.

7 Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia.

8 Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas.

9 Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak.

10 Nang inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel.

11 Nagsagutan sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit:“Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na.