4 Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito.
5 May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.
6 Sa simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.
7 Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.
8 Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.
9 “Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam;
10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”