6 Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:
7 “Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.
8 “Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.
9 “Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo.
10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.
11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel.
12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia.