17 Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel.
18 Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
19 Pagsapit ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
20 Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili.
21 Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
22 Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria.