29 Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.”
30 Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.
31 Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway.
32 Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon.
33 Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui.
34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.
35 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh.