1 Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito.
2 Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.”
3 Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo.
4 Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
5 Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos.
6 Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit.