Habakuk 3 RTPV05

Ang Panalangin ni Habakuk

1 Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:

2 O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,at ako'y lubos na humanga.Ulitin ninyo ngayon sa aming panahonang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.

3 Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,at puno ang lupa ng papuri sa kanya.

4 Darating siyang sinliwanag ng kidlat,na gumuguhit mula sa kanyang kamay;at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.

5 Nagpapadala siya ng karamdamanat inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.

6 Huminto siya at nayanig ang lupa;sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—mga daang nilakaran niya noong unang panahon.

7 Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.

8 Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.

9 Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,at inihanda ang inyong mga palaso.Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.

10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;bumuhos ang malakas na ulan.Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,at tumaas ang along naglalakihan.

11 Ang araw at ang buwan ay humintodahil sa bilis ng inyong pana at sibat.

12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.

13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,at ang haring pinili ninyo.Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.

14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.

15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,at bumula ang malawak na karagatan.

16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.Nanghina ang aking katawan,at ako'y nalugmok.Tahimik kong hihintayin ang takdang panahonng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.

17 Bagama't di namumunga ang puno ng igosat hindi rin namumunga ang mga ubas,kahit na maantala ang pamumunga ng oliboat walang anihin sa mga bukirin,kahit na mamatay lahat ang mga tupaat mawala ang mga baka sa kulungan,

18 magagalak pa rin ako at magsasaya,dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.

19 Ang Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.

mga Kabanata

1 2 3