1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak.
2 Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.”
3 Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan,
4 “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo?
5 Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo?
6 Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya.
7 Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari?
8 Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.”
9 “Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak.
10 Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago.
11 Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.”
12 Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos.
13 Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.”
14 Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos,
15 noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario.