1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh:
2 “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.”
3 Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.
4 Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko.
5 Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.
6 Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”