Nahum 1 RTPV05

1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh patungkol sa Nineve sa pamamagitan ni Nahum na isang taga-Elcos.

Ang Poot ni Yahweh sa Nineve

2 Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti;si Yahweh ay naghihiganti at napopoot.Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin;kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan.

3 Si Yahweh ay hindi madaling magalitsubalit dakila ang kanyang kapangyarihan;at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban.Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan;ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa.

4 Sa utos lamang niya'y natutuyo ang dagat,gayundin ang mga ilog.Natitigang ang kabukiran ng Bashan at ang Bundok Carmel,at nalalanta ang mga bulaklak ng Lebanon.

5 Nayayanig sa harapan niya ang mga bundok,at gumuguho ang mga burol;ang lupa'y nayayanig sa presensya ni Yahweh,at nanginginig ang daigdig, gayundin ang lahat ng naninirahan rito.

6 Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh?Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot?Bumubugang parang apoy ang kanyang poot.Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit.

7 Si Yahweh ay napakabuti;matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.

8 Tulad ng malaking baha, lubos niyang pupuksain ang kanyang mga kaaway,at tutugisin sila hanggang mamatay.

9 Ano ang binabalak ninyo laban kay Yahweh?Wawasakin niya ang kanyang mga kaaway,at ang paghihiganti nila'y di na mauulit pa.

10 Tulad ng mga lasenggo, sila'y malulunod sa alak;tulad ng sala-salabat na mga tinik at tuyong dayami, kayo ay matutupok sa apoy.

11 Di ba sa inyo nagmula ang taong nagbalak ng masama at nanghikayat na magtaksil sa kanya?

12 Sabi niya sa kanyang bansang Israel, “Kahit na malakas at marami ang mga taga-Asiria, mawawasak sila at maglalaho. Kahit na pinahirapan ko kayo noon, ito'y hindi ko na uulitin.

13 At ngayon nga, wawakasan ko na ang pagpapahirap sa inyo ng Asiria at palalayain ko na kayo sa pagkaalipin.”

14 Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Asiria: “Malilipol ang lahi ninyo, wala nang magdadala ng inyong pangalan; aalisin ko sa mga templo ng inyong mga diyos ang mga imahen na nililok ng kamay. Ipaghahanda ko kayo ng libingan sapagkat wala kayong karapatang mabuhay.”

15 Masdan mo't dumarating na mula sa kabundukan ang tagapaghatid ng Magandang Balita! Nasa daan na siya upang ipahayag ang kapayapaan. Ipagdiwang ninyo, mga taga-Juda ang inyong mga kapistahan, at tuparin ninyo sa Diyos ang mga ipinangako ninyo sa kanya. Hindi na kayo muling sasakupin ng masasama sapagkat lubusan na silang nawasak.

mga Kabanata

1 2 3