1 Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod,
2 nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia.
3 Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon.
4 Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan: