Nehemias 10:33-39 RTPV05

33 Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo.

34 Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan.

35 Taun-taon ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy.

36 Dadalhin din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan.

37 Magdadala rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo.

38 Sasamahan ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon.

39 Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos.