24 Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos.
25 Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub.
26 Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan.
27 Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira.
28 Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa,
29 sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet.
30 Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod.