4 Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.
5 Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”
6 “Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala.
7 “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”
8 Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae.
9 Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”
10 Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”