1 Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan.
2 Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi.
3 Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz.
4 Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.”
5 Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.”
6 Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.
7 Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito.
8 Nang maghahating-gabi'y nagising si Boaz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya.
9 “Sino ka?” tanong niya.“Si Ruth po, ang inyong lingkod,” sagot ng babae. “Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan.”
10 Sumagot naman si Boaz, “Pagpalain ka ni Yahweh. Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka naghanap ng isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap.
11 Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan na isa kang mabuting babae. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo.
12 Totoo ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang mas malapit na kamag-anak kaysa akin.
13 Dito ka muna hanggang madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinapangako ko kay Yahweh, ang buháy na Diyos, na gagampanan ko ang tungkuling ito. Matulog ka na muna ngayon.”
14 Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga. Ngunit bumangon siya bago sumikat ang araw, sapagkat sinabi ni Boaz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan.
15 Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Boaz, “Iladlad mo ang iyong balabal.” At ito'y nilagyan ni Boaz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Ipinasan niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi.
16 Nang makita siya ng kanyang biyenan ay tinanong siya nito, “Kumusta ang lakad mo, anak?”At sinabi ni Ruth ang buong pangyayari.
17 “Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,” dugtong pa niya.
18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Boaz hangga't hindi niya naaayos ang lahat.”