1 At ang Moab ay nanghimagsik laban sa Israel pagkamatay ni Achab.
2 At si Ochozias ay nahulog sa silahia sa kaniyang silid sa itaas na nasa Samaria, at nagkasakit: at siya'y nagsugo ng mga sugo, at nagsabi sa kanila, Kayo ay magsiyaon, usisain ninyo kay Baal-zebub, na dios sa Ecron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.
3 Nguni't sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Thisbita, Ikaw ay bumangon, umahon ka na salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, Dahil ba sa walang Dios sa Israel, na kaya kayo'y nagsisiyaon upang magsipagusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron?
4 Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay hindi bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay. At si Elias ay umalis.
5 At ang mga sugo ay nagsibalik sa kaniya, at sinabi niya sa kanila. Bakit kayo'y nagsibalik?
6 At sinabi nila sa kaniya, May umahong isang lalake na sinalubong kami, at sinabi sa amin, Kayo'y magsiyaon, magsibalik kayo sa hari na nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Dahil ba sa walang Dios sa Israel na kaya ikaw ay nagsusugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron? Kaya't hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay.
7 At sinabi niya sa kanila, Anong anyo ng lalaking yaong umahon na sumalubong sa inyo, at nagsaysay sa inyo ng mga salitang ito?
8 At sila'y nagsisagot sa kaniya: Siya'y lalaking mabalahibo at nakabigkis ng bigkis na balat ng hayop sa kaniyang mga balakang. At kaniyang sinabi, Siya'y si Elias na Thisbita.
9 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kaniya ng isang punong kawal ng lilimangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At inahon niya siya: at, narito, siya'y nakaupo sa taluktok ng burol. At siya'y nagsalita sa kaniya: Oh lalake ng Dios, sinabi ng hari: Bumaba ka.
10 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa punong kawal ng lilimangpuin: Kung ako'y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sakupin ka at ang iyong limangpu. At bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.
11 At muli siyang nagsugo sa kaniya ng ibang punong kawal ng limangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At siya'y sumagot, at nagsabi sa kaniya: Oh lalake ng Dios, ganito ang sabi ng hari, Bumaba kang madali.
12 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Kung ako'y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at supukin ka at ang iyong limangpu. At ang apoy ng Dios ay bumaba na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.
13 At muling siya'y nagsugo ng punong kawal ng ikatlong lilimangpuin na kasama ng kaniyang limangpu. At ang ikatlong punong kawal ng lilimangpuin ay umahon, at naparoon at lumuhod sa harap ni Elias, at namanhik sa kaniya at nagsabi sa kaniya, Oh lalake ng Dios, isinasamo ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limangpung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
14 Narito, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok ang dalawang unang punong kawal ng lilimangpuin sangpu ng kanilang limalimangpu; nguni't ang aking buhay nga'y maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, Bumaba kang kasama niya: huwag kang matakot sa kaniya. At siya'y tumindig, at bumabang kasama niya hanggang sa hari.
16 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Yamang ikaw ay nagsugo ng mga sugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron, dahil ba sa walang Dios sa Israel na mapaguusisaan ng kaniyang salita? kaya't hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang mamamatay ka.
17 Sa gayo'y namatay siya, ayon sa salita ng Panginoon na sinalita ni Elias. At si Joram ay nagpasimulang maghari na kahalili niya nang ikalawang taon ni Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda; sapagka't wala siyang anak.
18 Ang iba nga sa mga gawa ni Ochozias na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?