1 Nang ikalabing dalawang taon ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimula si Oseas na anak ni Ela na maghari sa Samaria sa Israel, at nagharing siyam na taon.
2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari sa Israel na mga una sa kaniya.
3 Laban sa kaniya ay umahon si Salmanasar na hari sa Asiria; at si Oseas ay naging kaniyang lingkod, at dinalhan siya ng mga kaloob.
4 At ang hari sa Asiria ay nakasumpong kay Oseas ng pagbabanta; sapagka't siya'y nagsugo ng mga sugo kay So na hari sa Egipto, at hindi naghandog ng kaloob sa hari sa Asiria, na gaya ng kaniyang ginagawa taontaon; kaya't kinulong siya ng hari sa Asiria, at ipinangaw siya sa bilangguan.
5 Nang magkagayon ay umahon ang hari sa Asiria sa buong lupain, at umahon sa Samaria, at kinulong na tatlong taon.
6 Nang ikasiyam na taon ni Oseas, sinakop ng hari sa Asiria ang Samaria, at dinala ang Israel sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo.
7 At nagkagayon, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nangagkasala laban sa Panginoon nilang Dios, na siyang nagahon sa kanila mula sa lupain ng Egipto, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto, at sila'y natakot sa ibang mga dios.
8 At lumakad sa mga palatuntunan ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel, at ng mga hari ng Israel, na kanilang ginawa.
9 At ang mga anak ni Israel ay nagsigawa ng mga lihim na bagay na hindi matuwid sa Panginoon nilang Dios, at sila'y nagsipagtayo sa kanila ng mga mataas na dako sa lahat nilang bayan mula sa moog ng mga bantay hanggang sa bayang nakukutaan.
10 At sila'y nangagsipaglagay ng mga haligi na pinakaalaala at mga Asera sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng lahat na sariwang punong kahoy;
11 At doo'y nagsunog sila ng kamangyan sa lahat na mataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap nila; at nagsigawa ng masasamang bagay upang mungkahiin ang Panginoon sa galit;
12 At sila'y nagsipaglingkod sa mga diosdiosan, na siyang sa kanila ay sinabi ng Panginoon, Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.
13 Gayon ma'y tumutol ang Panginoon sa Israel, at sa Juda, sa pamamagitan ng bawa't propeta, at ng bawa't tagakita, na sinasabi, Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga magulang, at aking ipinadala sa inyo, sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.
14 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang pinatigas ang kanilang ulo, na gaya ng ulo ng kanilang mga magulang, na hindi nagsisampalataya sa Panginoon nilang Dios.
15 At kanilang itinakuwil ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang tipan na kaniyang itinipan sa kanilang mga magulang, at ang kaniyang mga patotoo na kaniyang ipinatotoo sa kanila; at sila'y nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan, at nagsisunod sa mga bansa na nangasa palibot nila, ayon sa ibinilin ng Panginoon na huwag silang magsigawa ng gaya ng mga yaon.
16 At kanilang iniwan ang lahat na utos ng Panginoon nilang Dios, at nagsigawa ng mga larawang binubo, sa makatuwid baga'y ng dalawang guya, at nagsigawa ng isang Asera, at sinamba ang buong natatanaw sa langit, at nagsipaglingkod kay Baal.
17 At kanilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, at nagsihilig sa panghuhula at mga panggagaway, at nangapabili upang magsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit.
18 Kaya't ang Panginoon ay totoong nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin: walang naiwan kundi ang lipi ni Juda lamang.
19 Hindi rin naman iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Dios, kundi nagsilakad sa mga palatuntunan ng Israel na kanilang ginawa.
20 At itinakuwil ng Panginoon ang buong binhi ng Israel, at pinighati sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kaniyang pinalayas sila sa kaniyang paningin.
21 Sapagka't kaniyang inihiwalay ang Israel sa sangbahayan ni David, at kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nabat: at pinahiwalay ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at pinapagkasala sila ng malaking kasalanan.
22 At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan;
23 Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.
24 At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon.
25 At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila.
26 Kaya't kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka't hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain.
27 Nang magkagayo'y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain.
28 Sa gayo'y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila'y marapat na matakot sa Panginoon.
29 Gayon ma'y bawa't bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa't bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan.
30 At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima,
31 At itinayo ng mga Avveo ang Nibhaz at ang Tharthac, at sinunog ng mga Sepharvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adrammelech at sa Anammelech, na mga dios ng Sefarvaim.
32 Sa gayo'y nangatakot sila sa Panginoon, at nagsipaghalal sila sa gitna nila ng mga saserdote sa mga mataas na dako, na siyang naghahain para sa kanila sa mga bahay, na nangasa mga mataas na dako.
33 Sila'y nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang sariling mga dios, ayon sa paraan ng mga bansa na kinadalhang bihag nila.
34 Hanggang sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating paraan: sila'y hindi nangatatakot sa Panginoon, o nagsisigawa man ng ayon sa kanilang mga palatuntunan, o ayon sa kanilang mga ayos, o ayon sa kautusan, o ayon sa utos na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kaniyang pinanganlang Israel,
35 Na siyang pinakipagtipanan ng Panginoon, at pinagbilinan na sinasabi, Kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios, o nagsisiyukod man sa kanila, o magsisipaglingkod man sa kanila, o magsisipaghain man sa kanila:
36 Kundi ang Panginoon, na nagahon sa inyo mula sa lupain ng Egipto na may dakilang kapangyarihan at may unat na kamay, siya ninyong katatakutan, at sa kaniya kayo magsisiyukod, at sa kaniya kayo magsisipaghain.
37 At ang mga palatuntunan, at ang mga ayos, at ang kautusan, at ang utos na kaniyang sinulat para sa inyo ay inyong isasagawa magpakailan man; at kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios:
38 At ang tipan na aking ipinakipagtipan sa inyo, huwag ninyong kalilimutan; ni mangatatakot man kayo sa ibang mga dios:
39 Nguni't sa Panginoon ninyong Dios ay mangatatakot kayo; at kaniyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.
40 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating paraan.
41 Sa gayo'y ang mga bansang ito ay nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang mga larawang inanyuan; ang kanilang mga anak ay gayon din, at ang mga anak ng kanilang mga anak, kung ano ang ginawa ng kanilang mga magulang ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.