1 At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at nagsabi sa kaniya, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis sa iyong kamay, at pumaroon ka sa Ramoth-galaad.
2 At pagdating mo roon, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Josaphat na anak ni Nimsi, at iyong pasukin at patayuin mo sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.
3 Kung magkagayo'y kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kaniyang ulo, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinahiran kita upang maging hari sa Israel. Kung magkagayo'y buksan mo ang pintuan, at ikaw ay tumakas at huwag kang maghintay.
4 Sa gayon ang binata, sa makatuwid baga'y ang binatang propeta, ay naparoon sa Ramoth-galaad.
5 At nang siya'y dumating, narito; ang mga punong kawal ng hukbo ay nangakaupo: at kaniyang sinabi, Ako'y may isang sadya sa iyo, Oh punong kawal. At sinabi ni Jehu, Sa alin sa aming lahat? At kaniyang sinabi, Sa iyo, Oh punong kawal.
6 At siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at kaniyang ibinuhos ang langis sa kaniyang ulo, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y sa Israel.
7 At iyong sasaktan ang sangbahayan ni Achab na iyong panginoon, upang aking ipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel.
8 Sapagka't ang buong sangbahayan ni Achab ay malilipol: at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't batang lalake, at ang nakulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.
9 At aking gagawin ang sangbahayan ni Achab na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia.
10 At lalapain ng mga aso si Jezabel sa putol ng lupa ni Jezreel, at walang maglilibing sa kaniya. At kaniyang binuksan ang pintuan, at tumakas.
11 Nang magkagayon, nilabas ni Jehu ang mga lingkod ng kaniyang panginoon: at sinabi ng isa sa kaniya, Lahat ba'y mabuti? bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? At sinabi niya sa kanila, Inyong kilala ang lalake at ang kaniyang pananalita.
12 At kanilang sinabi, Kabulaanan nga; saysayin mo sa amin ngayon. At kaniyang sinabi, Ganito't ganito ang sinalita niya sa akin, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Pinahiran kita ng langis upang maging hari sa Israel.
13 Nang magkagayo'y sila'y nangagmadali, at kinuha ng bawa't isa ang kaniyang kasuutan, at inilagay sa ilalim niya sa ibabaw ng hagdan, at humihip ng pakakak, na nagsasabi, Si Jehu ay hari.
14 Ganito, si Jehu na anak ni Josaphat, na anak ni Nimsi, nanghimagsik laban kay Joram. (Iningatan nga ni Joram ang Ramoth-galaad niya at ng buong Israel, dahil kay Hazael na hari sa Siria;
15 Nguni't bumalik ang haring Joram upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria.) At sinabi ni Jehu, Kung ito ang inyong isipan, huwag tumanan ang sinoman at lumabas sa bayan, upang yumaon na saysayin sa Jezreel.
16 Sa gayo'y sumakay si Jehu sa karo at naparoon sa Jezreel; sapagka't si Joram ay nahihiga roon. At si Ochozias na hari sa Juda ay bumaba upang tingnan si Joram.
17 Ang tagatanod nga ay tumayo sa moog sa Jezreel, at kaniyang tinanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, Ako'y nakakakita ng isang pulutong. At sinabi ni Joram, Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin na salubungin sila, at magsabi, Kapayapaan ba?
18 Sa gayo'y naparoon ang isa na nangangabayo na sinalubong siya, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sinabi ni Jehu, Anong ipakikialam mo sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko. At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Ang sugo ay dumating sa kanila, nguni't siya'y hindi bumabalik.
19 Nang magkagayo'y nagsugo ng ikalawa na nangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sumagot si Jehu, Ano ang iyong ipakikialam sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko.
20 At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Siya'y dumating hanggang sa kanila, at hindi bumabalik: at ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi; sapagka't siya'y nagpapatakbo na magilas.
21 At sinabi ni Joram, Magsingkaw. At kanilang isiningkaw ang kaniyang karo. At si Joram na hari sa Israel at si Ochozias na hari sa Juda ay nagsilabas, bawa't isa sa kaniyang karo, at sila'y nagsilabas upang salubungin si Jehu, at nasumpungan nila siya sa putol ng lupa ni Naboth na Jezreelita.
22 At nangyari, nang makita ni Joram si Jehu, na kaniyang sinabi, Kapayapaan ba Jehu? At siya'y sumagot. Anong kapayapaan, habang ang mga pakikiapid ng iyong inang si Jezabel at ang kaniyang panggagaway ay totoong lumalala?
23 At ipinihit ni Joram ang kaniyang mga kamay, at tumakas, at nagsabi kay Ochozias. May paglililo, Oh Ochozias.
24 At binunot ni Jehu ang kaniyang busog ng kaniyang buong lakas, at sinaktan si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat, at ang pana ay lumagpas sa kaniyang puso, at siya'y nabuwal sa kaniyang karo.
25 Nang magkagayo'y sinabi ni Jehu kay Bidkar na kaniyang punong kawal: Itaas mo, at ihagis mo sa bahagi ng bukid ni Naboth na Jezreelita: sapagka't alalahanin mo kung paanong ako't ikaw ay sumakay na magkasama na kasunod ni Achab na kaniyang ama, na ipinasan ng Panginoon ang pasang ito sa kaniya;
26 Tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Naboth, at ang dugo ng kaniyang mga anak, sabi ng Panginoon; at aking sisiyasatin sa iyo sa panig na ito, sabi ng Panginoon. Ngayon nga'y kunin mo, at ihagis mo sa panig ng lupa, ayon sa salita ng Panginoon.
27 Nguni't nang makita ito ni Ochozias na hari sa Juda, siya'y tumakas sa daan ng bahay sa halamanan. At si Jehu ay sumunod sa kaniya, at nagsabi, Saktan mo rin siya sa karo: at sinaktan nila siya sa ahunan sa Gur, na nasa siping ng Ibleam. At siya'y tumakas na napatungo sa Megiddo, at namatay roon.
28 At dinala siya ng kaniyang mga lingkod sa isang karo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang libingan na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.
29 At nang ikalabing isang taon ni Joram na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari si Ochozias sa Juda.
30 At nang si Jehu ay dumating sa Jezreel nabalitaan ni Jezabel; at kaniyang kinulayan ang kaniyang mga mata, at ginayakan ang kaniyang ulo, at dumungaw sa dungawan.
31 At samantalang si Jehu ay pumapasok sa pintuang-bayan, kaniyang sinabi, Kapayapaan ba ikaw Zimri, ikaw na mamamatay sa iyong Panginoon?
32 At kaniyang itiningala ang kaniyang mukha sa dungawan, at nagsabi, Sino ang sa ganang akin? sino? At dinungaw siya ng dalawa o tatlong bating.
33 At kaniyang sinabi, Ibagsak ninyo siya. Sa gayo'y ibinagsak nila siya: at ang iba sa kaniyang dugo ay pumilansik sa pader, at sa mga kabayo: at siya'y kaniyang niyapakan ng paa.
34 At pagkapasok niya, siya'y kumain at uminom; at kaniyang sinabi, Tingnan ninyo ngayon ang sinumpang babaing ito, at ilibing ninyo siya: sapagka't anak ng hari.
35 At sila'y nagsiyaon upang ilibing siya: nguni't wala na silang nasumpungan sa kaniya kundi ang bungo, at ang mga paa, at ang mga palad ng kaniyang mga kamay.
36 Kaya't sila'y nagsibalik, at isinaysay sa kaniya. At kaniyang sinabi, Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias na Thisbita, na sinasabi, Sa bahagi ng Jezreel kakanin ng mga aso ang laman ni Jezabel:
37 At ang bangkay ni Jezabel ay magiging gaya ng dumi na itinapon sa ibabaw ng bukid sa bahagi ng Jezreel; na anopa't hindi nila sasabihin, Ito'y si Jezabel.