1 Si Achab nga'y may pitong pung anak sa Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga'y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi,
2 At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat;
3 Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon.
4 Nguni't sila'y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo'y tatayo?
5 At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata.
6 Nang magkagayo'y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo'y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila.