1 At nangyari, nang mabalitaan ng haring Ezechias, ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote na may mga balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amos.
3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng pagkutya: sapagka't ang mga anak ay nagsidating sa kapanganakan, at walang kalakasang ilabas.
4 Marahil ay didinggin ng Panginoon mong Dios ang lahat ng mga salita ni Rabsaces na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sasansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't idalangin mo ang labis na natitira.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay nagsiparoon kay Isaias.
6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.