20 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.
21 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.
22 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel.
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako'y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid.
24 Ako'y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.
25 Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton.
26 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y gaya ng damo sa bukid, at ng sariwang gugulayin, na gaya ng damo sa mga bubungan, at gaya ng trigo na lanta bago nakalaki.