5 At nagsilapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At siya'y sumagot, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.
6 At sinabi ni Elias sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jordan. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At silang dalawa ay nagsiyaon.
7 At limangpu sa mga anak ng mga propeta ay nagsiyaon, at nagsitayo sa tapat nila sa malayo; at silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan.
8 At kinuha ni Elias ang kaniyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at nahawi dito at doon, na ano pa't silang dalawa'y nagsidaan sa tuyong lupa.
9 At nangyari, nang sila'y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo. At sinabi ni Eliseo, Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin.
10 At sinabi niya, Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma'y kung makita mo ako pagka ako'y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; nguni't kung hindi ay hindi magiging gayon.
11 At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.