14 Nang magkagayo'y naparoon si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinasabi ng mga lalaking ito? at saan nagsipanggaling na napasa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsipanggaling sa malayong lupain, sa makatuwid baga'y sa Babilonia.
15 At kaniyang sinabi, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias. Lahat na nasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay na nasa aking mga kayamanan na di ko ipinakita sa kanila.
16 At sinabi ni Isaias kay Ezechias, Dinggin mo ang salita ng Panginoon.
17 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang itinago ng iyong mga magulang hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
18 At ang ilan sa iyong mga anak na magmumula sa iyo na iyong ipanganganak, sila'y dadalhin; at sila'y magiging bating sa bahay ng hari sa Babilonia.
19 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi, bukod dito, Hindi ba, kung magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan?
20 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang buo niyang kapangyarihan, at kung paano niyang ginawa ang tipunan ng tubig, at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa bayan, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?