12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.
13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.
14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.
15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.
16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.
17 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.
18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.