15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.
16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.
17 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.
18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.
20 At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya'y bumalik sa Jerusalem.
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.