2 Mga Hari 23:23-29 TLAB

23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.

24 Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.

25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.

26 Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.

27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.

28 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

29 Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.