2 Mga Hari 23:30-36 TLAB

30 At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.

31 Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.

32 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.

33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.

34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.

35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.

36 Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.