1 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo'y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.
2 At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.
3 Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.
4 At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka't kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.
5 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.
6 Sa gayo'y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
7 At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka't sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.