36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo'y tinawag niya siya. At nang siya'y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak.
37 Nang magkagayo'y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.
38 At si Eliseo ay bumalik sa Gilgal: at may kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kaniyang lingkod: Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta.
39 At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kaniyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputolputol sa palayok ng lutuin: sapagka't hindi nila nalalaman.
40 Sa gayo'y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila'y nagsisikain ng lutuin, na sila'y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalake ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon.
41 Nguni't kaniyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kaniyang isinilid sa palayok; at kaniyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila'y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.
42 At dumating ang isang lalake na mula sa Baal-salisa, at nagdala sa lalake ng Dios ng tinapay ng mga unang bunga, na dalawang pung tinapay na sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kaniyang bayong. At kaniyang sinabi, Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain.