1 Nang ikasangpung taon, nang ikasangpung buwan, nang ikalabing dalawang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari sa Egipto, at manghula ka laban sa kaniya, at laban sa buong Egipto;
3 Iyong salitain, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y lalaban sa iyo, Faraong hari sa Egipto, na malaking buwaya na nahihiga sa gitna ng kaniyang mga ilog, na nagsabi: Ang ilog ko ay aking sarili, at aking ginawa sa ganang aking sarili.
4 At kakawitan kita ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at isasampa kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat na isda ng iyong mga ilog na magsisidikit sa iyong mga kaliskis.
5 At ikaw ay aking iiwan tapon sa ilang, ikaw at ang lahat na isda ng iyong mga ilog: ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang; ikaw ay hindi pipisanin, o pupulutin man; aking ibinigay kang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid.
6 At lahat ng nananahan sa Egipto ay makakaalam na ako ang Panginoon, sapagka't sila'y naging tukod na tambo sa sangbahayan ni Israel.
7 Nang kanilang pigilan ka sa iyong kamay, iyong binali, at iyong nilabnot ang kanilang mga balikat; at nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian, at iyong pinapanghina ang kanilang mga balakang.
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, pagdadalhan kita ng tabak sa iyo, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.
9 At ang lupain ng Egipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't kaniyang sinabi, Ang ilog ay akin, at aking ginawa;
10 Kaya't, narito, ako'y laban sa iyo, at laban sa iyong mga ilog, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Egipto, mula sa moog ng Seveneh hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop ay daraan doon, o tatahanan man siyang apat na pung taon.
12 At aking gagawing sira ang lupain ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.
13 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;
14 At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila'y magiging doo'y isang mababang kaharian.
15 Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.
16 At hindi na magiging pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.
17 At nangyari, nang ikadalawang pu't pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:
18 Anak ng tao, pinapaglilingkod ng mabigat ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma'y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.
20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka't sila'y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.
21 Sa araw na yao'y aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.