1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, manghula ka laban sa mga pastor ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila, sa mga pastor, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa aba ng mga pastor ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa?
3 Kayo'y nagsisikain ng gatas, at kayo'y nangananamit sa inyo ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba; nguni't hindi ninyo pinakakain ang mga tupa.
4 Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan.
5 At sila'y nangalat dahil sa walang pastor, at sila'y naging pagkain sa lahat ng hayop sa parang, at sila'y nangalat.
6 Ang aking mga tupa ay nagsisilaboy sa lahat ng bundok, at sa lahat na mataas na burol: oo, ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa; at walang magsiyasat o humanap sa kanila.
7 Kaya't kayong mga pastor, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:
8 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsala na dahil sa ang aking mga tupa ay naging samsam, at ang aking mga tupa ay naging pagkain sa lahat na hayop sa parang, sapagka't walang pastor, o hinanap man ng aking mga pastor ang aking mga tupa, kundi ang mga pastor ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa;
9 Kaya't, Oh kayong mga pastor, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:
10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako'y laban sa mga pastor; at aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin ng pagpapakain ng mga tupa; at hindi na naman pakakanin ng mga pastor ang kanilang sarili; at aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang bibig, upang huwag maging pagkain sa kanila.
11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, sisiyasat ng aking mga tupa, at aking hahanapin sila.
12 Kung paanong hinanap ng pastor ang kaniyang kawan sa kaarawan na siya'y nasa gitna ng kaniyang mga tupa na nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa maulap at madilim na araw.
13 At aking ilalabas sila sa mga bayan, at pipisanin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain; at pasasabsabin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga daan ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain.
14 Aking pakakanin sila sa mabuting pastulan; at sa mga mataas na bundok ng kataasan ng Israel ay malalagay ang kanilang kulungan: doon mangahihiga sila sa mabuting kulungan; at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel.
15 Ako ay magiging kanilang pastor ng aking mga tupa at aking pahihigain sila, sabi ng Panginoong Dios.
16 Aking hahanapin ang nawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit: nguni't aking lilipulin ang mataba at malakas; aking pakakanin sila sa katuwiran.
17 At tungkol sa inyo, Oh aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y humahatol sa gitna ng hayop at hayop, sa gitna ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalake.
18 Inaakala baga ninyong munting bagay sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, nguni't inyong marapat yapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? at uminom sa malinaw na tubig, nguni't inyong marapat lampisawin ng inyong mga paa ang nalabi?
19 At tungkol sa aking mga tupa, kanilang kinakain ang inyong niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang iniinom ang nilampisaw ng inyong mga paa.
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa kanila: Narito, ako, sa makatuwid baga'y ako, ay hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa.
21 Sapagka't inyong itinulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinuwag ng inyong mga sungay ang lahat na may sakit, hanggang sa inyong napangalat sila;
22 Kaya't aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging samsam; at ako'y hahatol sa tupa at tupa.
23 At ako'y maglalagay ng isang pastor sa kanila, at kaniyang papastulin sila sa makatuwid baga'y ang aking lingkod na si David; kaniyang papastulin sila, at siya'y magiging kanilang pastor,
24 At akong Panginoon ay magiging kanilang Dios, at ang aking lingkod na si David ay prinsipe sa kanila; akong Panginoon ang nagsalita.
25 At ako'y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking papawiin ang mga masamang hayop sa lupain; at sila'y magsisitahang tiwasay sa ilang, at mangatutulog sa mga gubat.
26 At aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng aking burol; at aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.
27 At ang punong kahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa'y magsisibol ng halaman niya, at sila'y matitiwasay sa kanilang lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binali ang tali ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga pinaglilingkuran nila.
28 At sila'y hindi na magiging pinakahuli sa mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila'y magsisitahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.
29 At aking pagkakalooban sila ng mga pananim na ikababantog, at sila'y hindi na mangalilipol pa ng kagutom sa lupain, o magtataglay pa man ng kahihiyan sa mga bansa.
30 At kanilang malalaman na akong Panginoon nilang Dios ay sumasa kanila, at sila na sangbahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.
31 At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.