1 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi, na anim na siko ang luwang sa isang dako, at anim na siko ang luwang sa kabilang dako, na siyang luwang ng tabernakulo.
2 At ang luwang ng pasukan ay sangpung siko; at ang mga tagiliran ng pasukan ay limang siko sa isang dako, at limang siko sa kabilang dako: at sinukat niya ang haba niyaon na apat na pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko.
3 Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang bawa't haligi sa pasukan, na dalawang siko; at ang pasukan ay anim na siko; at ang luwang ng pasukan, pitong siko.
4 At sinukat niya ang haba niyaon, dalawang pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko, sa harap ng templo: at sinabi niya sa akin, Ito ang kabanalbanalang dako.
5 Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko; at ang luwang ng bawa't tagilirang silid apat na siko, sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.
6 At ang mga tagilirang silid ay tatlong grado, patongpatong at tatlong pu sa ayos; at nangakakapit sa pader na nauukol sa bahay na nasa tagilirang silid sa palibot upang mangakapit doon, at huwag makapit sa pader ng bahay.
7 At ang mga tagilirang silid ay lalong maluwang habang lumiligid sa bahay na paitaas ng paitaas; sapagka't ang gilid ng bahay ay paitaas ng paitaas sa palibot ng bahay: kaya't ang luwang ng bahay ay patuloy na paitaas; at sa gayo'y ang isa ay napaiitaas mula sa pinakamababang silid, hanggang sa pinakamataas sa pamamagitan ng gitna na silid.
8 Aking nakita naman na ang bahay ay may nakatayong tungtungan sa palibot: ang mga patibayan ng mga tagilirang silid ay buong tambo na anim na malaking siko ang haba.
9 Ang kapal ng pader, na nasa mga tagilirang silid, sa dakong labas, ay limang siko: at ang naiwan ay dako ng mga tagilirang silid na ukol sa bahay.
10 At ang pagitan ng mga silid ay may luwang na dalawang pung siko sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.
11 At ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay sa dakong naiwan, isang pintuan sa dakong hilagaan, at isang pintuan sa dakong timugan: at ang luwang ng dakong naiwan ay limang siko sa palibot.
12 At ang bahay na nasa harapan ng bukod na dako sa tagilirang dakong kalunuran ay pitong pung siko ang luwang; at ang pader ng bahay ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyaon ay siyam na pung siko.
13 Sa gayo'y sinukat niya ang bahay, na isang daang siko ang haba; at ang bukod na dako, at ang bahay, sangpu ng pader niyaon, isang daang siko ang haba;
14 Ang luwang naman ng harapan ng bahay, at ng bukod na dako sa dakong silanganan, isang daang siko.
15 At sinukat niya ang haba ng bahay sa harap ng bukod na dako na nasa likuran niyaon, at ang mga galeria niyaon sa isang dako, at sa kabilang dako, isang daang siko; at ang lalong loob na templo at ang mga portiko ng looban;
16 Ang mga pasukan, at ang mga nasasarang dungawan, at ang mga galeria sa palibot sa tatlong grado, sa tapat ng pasukan, nakikisamihan ng tabla sa palibot, at mula sa lapag hanggang sa mga dungawan (natatakpan nga ang mga dungawan),
17 Sa pagitan ng itaas ng pintuan, sa lalong loob ng bahay, at sa labas, at ang buong pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.
18 At ang pader ay niyaring may mga kerubin at may mga puno ng palma; at isang puno ng palma ay sa pagitan ng kerubin at kerubin, at bawa't kerubin ay may dalawang mukha;
19 Na anopa't may mukha ng isang tao sa dako ng puno ng palma sa isang dako, at mukha ng batang leon sa dako ng puno ng palma sa kabilang dako. Ganito ang pagkayari sa buong bahay sa palibot:
20 Mula sa lapag hanggang sa itaas ng pintuan ay may mga kerubin at mga puno ng palma na yari; ganito ang pader ng templo.
21 Tungkol sa templo, ang mga haligi ng pintuan ay parisukat; at tungkol sa harapan ng santuario, ang anyo niyao'y gaya ng anyo ng templo.
22 Ang dambana ay kahoy, na tatlong siko ang taas, at ang haba niyao'y dalawang siko; at ang mga sulok niyaon at ang haba niyaon, at ang mga pader niyaon, ay kahoy: at sinabi niya sa akin, Ito ang dulang na nasa harap ng Panginoon.
23 At ang templo, at ang santuario ay may dalawang pintuan.
24 At ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto, dalawang pinto sa isang pintuan, at dalawang pinto sa kabila.
25 At mga niyari sa mga yaon, sa mga pintuan ng templo, mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng niyari sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harap ng portiko sa labas.
26 At may nangasasarang dungawan at mga puno ng palma sa isang dako at sa kabilang dako, sa mga tagiliran ng portiko: ganito ang mga tagilirang silid ng bahay, at ang mga pasukan.