Ezekiel 32:25-31 TLAB

25 Inilagay nila ang kaniyang higaan sa gitna ng mga patay na kasama ng buong karamihan niya; ang kaniyang mga libingan ay nangasa palibot niya; silang lahat na di tuli na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka't nakapagpangilabot sila sa lupain ng buhay, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay: siya'y nalagay sa gitna niyaong nangapatay.

26 Nandoon ang Mesech, ang Tubal, at ang buo niyang karamihan; ang mga libingan niya ay nangasa palibot niya; silang lahat na hindi tuli, na nangapatay sa pamamagitan ng tabak; sapagka't sila'y nakapagpangilabot sa lupain ng buhay.

27 At sila'y hindi mangahihiga na kasama ng makapangyarihan na nangabuwal sa mga di tuli, na nagsibaba sa Sheol na may kanilang mga almas na pangdigma, at nangaglagay ng kanilang mga tabak sa ilalim ng kanilang mga ulo, at ang kanilang mga kasamaan ay nangasa kanilang mga buto; sapagka't sila ang kakilabutan ng makapangyarihan sa lupain ng buhay.

28 Nguni't ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di tuli, at ikaw ay mahihiga na kasama nila na nangapatay sa pamamagitan ng tabak.

29 Nandoon ang Edom, ang kaniyang mga hari at lahat niyang prinsipe, na sa kanilang kapangyarihan ay nangahiga na kasama ng nangapatay ng tabak: sila'y mangahihiga na kasama ng mga di tuli, at niyaong nagsibaba sa hukay.

30 Nandoon ang mga prinsipe sa hilagaan, silang lahat, at lahat ng mga taga Sidon, na nagsibabang kasama ng nangapatay; sa kakilabutan na kanilang ipinangilabot ng kanilang kapangyarihan sila'y nangapahiya; at sila'y nangahihigang hindi tuli na kasama ng nangapapatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.

31 Makikita sila ni Faraon, at maaaliw sa lahat niyang karamihan, sa makatuwid baga'y ni Faraon at ng buo niyang hukbo, na nangapatay ng tabak, sabi ng Panginoong Dios.