1 Sa aba mo na sumasamsam, at ikaw ay hindi nasamsaman; at gumagawa na may kataksilan, at sila'y hindi gumawang may kataksilan sa iyo! Pagka ikaw ay naglikat ng pagsamsam, ikaw ay sasamsaman; at pagka ikaw ay nakatapos ng paggawang may kataksilan, sila'y gagawang may kataksilan sa iyo.
2 Oh Panginoon, magmahabagin ka sa amin; aming hinintay ka: ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan naman sa panahon ng kabagabagan.
3 Sa ingay ng kagulo ay nagsisitakas ang mga bayan; sa pagbangon mo ay nagsisipangalat ang mga bansa.
4 At ang iyong samsam ay pipisanin na gaya ng pagpisan ng uod: kung paanong ang mga balang ay nagsisilukso ay gayon luluksuhan ng mga tao.
5 Ang Panginoon ay nahayag; sapagka't siya'y tumatahan sa mataas: kaniyang pinuno ang Sion ng kahatulan at katuwiran.
6 At magkakaroon ng kapanatagan sa iyong mga panahon, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman: ang pagkatakot sa Panginoon ay kaniyang kayamanan.
7 Narito, ang kanilang mga matapang ay nagsisihiyaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay nagsisiiyak na mainam.
8 Ang mga lansangan ay sira, ang palalakad na tao ay naglilikat: kaniyang sinira ang tipan, kaniyang hinamak ang mga bayan, hindi niya pinakukundanganan ang kapuwa tao.
9 Ang lupain ay nananangis at nahahapis: ang Libano ay nahihiya at natutuyo: ang Saron ay gaya ng isang ilang; at ang Basan at ang Carmel ay napapaspas ang kanilang mga dahon.
10 Ngayo'y babangon ako, sabi ng Panginoon; ngayo'y magpapakataas ako; ngayo'y magpapakadakila ako.
11 Kayo'y mangaglilihi ng ipa, kayo'y manganganak ng dayami: ang inyong hinga ay apoy na pupugnaw sa inyo.
12 At ang mga bayan ay magiging gaya ng pagluluto ng apog: gaya ng mga putol na mga tinik, na mga nasusunog sa apoy.
13 Pakinggan ninyo, ninyong nangasa malayo, kung ano ang aking ginawa; at kilalanin ninyo, na nangasa malapit, ang aking kapangyarihan.
14 Ang mga makasalanan sa Sion ay nangatatakot; nanginginig ang mga masasama. Sino sa atin ang tatahan sa mamumugnaw na apoy? Sino sa atin ang tatahan sa walang hanggang ningas?
15 Siyang lumalakad ng matuwid, at nagsasalita ng matuwid; siyang humahamak ng pakinabang sa mga kapighatian, na iniuurong ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng mga suhol, na nagtatakip ng kaniyang mga tainga ng pagdinig ng tungkol sa dugo, at ipinipikit ang kaniyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;
16 Siya'y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.
17 Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan: sila'y tatanaw sa isang lupaing malawak.
18 Ang inyong puso ay gugunita ng kakilabutan: saan nandoon siya na bumibilang, saan nandoon siya na tumitimbang ng buwis? saan nandoon siya na bumibilang ng mga moog?
19 Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan, ang bayan na may malalim na pananalita na hindi mo matatalastas, na may ibang wika na hindi mo mauunawa.
20 Tumingin ka sa Sion, ang bayan ng ating mga takdang kapistahan: makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem na tahimik na tahanan, isang tabernakulo na hindi makikilos, ang mga tulos niyao'y hindi mangabubunot kailan man, o mapapatid man ang alin man sa mga tali niyaon.
21 Kundi doon ay sasa atin ang Panginoon sa kamahalan, na dako ng mga maluwang na ilog at batis; na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod, o daraanan man ng magilas na sasakyang dagat.
22 Sapagka't ang Panginoon ay ating hukom, ang Panginoon ay ating tagapaglagda ng kautusan, ang Panginoon ay ating hari; kaniyang ililigtas tayo.
23 Ang iyong mga tali ay nangakalag: hindi nila mapatibay ang kanilang palo, hindi nila mailadlad ang layag: ang huli nga na malaking samsam ay binahagi; ang pilay ay kumuha ng huli.
24 At ang mamamayan ay hindi magsasabi, Ako'y may sakit: ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasamaan.