1 Magsitahimik kayo sa harap ko, Oh mga pulo; at mangagbagong lakas ang mga bayan: magsilapit sila; saka mangagsalita sila; tayo'y magsilapit na magkakasama sa kahatulan.
2 Sinong nagbangon ng isa na mula sa silanganan, na kaniyang tinawag sa katuwiran sa kaniyang paanan? siya'y nagbigay ng mga bansa sa harap niya, at pinagpuno niya siya sa mga hari; kaniyang ibinibigay sila na parang alabok sa kaniyang tabak, na parang pinaspas na dayami sa kaniyang busog.
3 Kaniyang hinahabol sila, at nagpatuloy na tiwasay, sa makatuwid baga'y sa daan na hindi niya dinaanan ng kaniyang mga paa.
4 Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,
5 Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila'y nagsilapit, at nagsiparito.
6 Sila'y tumutulong bawa't isa sa kaniyang kapuwa; at bawa't isa'y nagsasabi sa kaniyang kapatid, Ikaw ay magpakatapang.
7 Sa gayo'y pinalalakas ang loob ng anluwagi ang panday-ginto, at ng pumapatag ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, Mabuti, at kaniyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
8 Nguni't ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
9 Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;
10 Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.
11 Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga'y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.
13 Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.
14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.
16 Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.
17 Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:
20 Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.
21 Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.
22 Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.
24 Narito, kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya'y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 At pagka ako'y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.
29 Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.