1 Ako'y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako'y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.
2 Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;
3 Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;
4 Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka't ako'y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan,
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka't iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.
9 At ako'y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.
10 At ang Saron ay magiging kulungan ng mga kawan, at ang libis ng Achor ay dakong higaan ng mga bakahan, dahil sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Nguni't kayo, na nangagpapabaya sa Panginoon, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na nangaghahanda ng dulang para sa Kapalaran, at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kaukulan;
12 Aking iuukol kayo sa tabak, at kayong lahat ay magsisiyuko sa patayan; sapagka't nang ako'y tumawag, kayo'y hindi nagsisagot; nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nangakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa harap ng aking mga mata, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, nguni't kayo'y mangagugutom; narito, ang aking mga lingkod ay magsisiinom, nguni't kayo'y mangauuhaw; narito, mangagagalak ang aking mga lingkod, nguni't kayo'y mangapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, nguni't kayo'y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso, at aangal dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 At inyong iiwan ang inyong pangalan na pinakasumpa sa aking mga pinili, at papatayin ka ng Panginoong Dios; at kaniyang tatawagin ang kaniyang mga lingkod ng ibang pangalan:
16 Na anopa't siyang nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumusumpa sa lupa ay susumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; sapagka't ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka't nangakubli sa aking mga mata.
17 Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.
18 Nguni't kayo'y mangatuwa at mangagalak magpakailan man sa aking nilikha; sapagka't, narito, aking nililikha na kagalakan ang Jerusalem, at kaligayahan ang kaniyang bayan.
19 At ako'y magagalak sa Jerusalem, at maliligaya sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kaniya, o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka't ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain.
21 At sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at ang mga yao'y kanilang tatahanan; at sila'y mangaguubasan, at magsisikain ng bunga niyaon.
22 Sila'y hindi magtatayo, at iba ang tatahan; sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagka't kung paano ang mga kaarawan ng punong kahoy, ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay mangagagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan, sapagka't sila ang lahi ng mga pinagpala ng Panginoon, at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari, na bago sila magsitawag, sasagot ako; at samantalang sila'y nangagsasalita, aking didinggin.
25 Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon.