Isaias 66:1-6 TLAB

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang langit ay aking luklukan, at ang lupa ay aking tungtungan: anong anyong bahay ang inyong itatayo sa akin? at anong dako ang magiging aking pahingahan?

2 Sapagka't lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo'y nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon: nguni't ang taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga'y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking salita.

3 Siyang pumapatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; siyang naghahain ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; siyang naghahandog ng alay ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; siyang nagsusunog ng kamangyan ay gaya ng pumupuri sa isang diosdiosan. Oo, sila'y nagsipili ng kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay;

4 Akin namang pipiliin ang kanilang mga kakutyaan, at dadalhan ko sila ng kanilang takot, sapagka't nang ako'y tumawag, walang sumagot; nang ako'y magsalita ay walang nakinig; kundi sila'y nagsigawa ng masama sa harap ng aking mga mata, at pinili ang hindi ko kinaluluguran.

5 Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, ninyong nanginginig sa kaniyang salita, Ang inyong mga kapatid na nangagtatanim sa inyo na nangagtatakuwil sa inyo dahil sa akin, nangagsabi, Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita namin ang inyong kagalakan; nguni't sila'y mangapapahiya.

6 Ang ingay ng kagulo na mula sa bayan, ang tinig na mula sa templo, ang tinig ng Panginoon na naggagawad ng kagantihan sa kaniyang mga kaaway.