1 Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon.
2 Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan.
3 Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”
4 Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo.
5 Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila.
6 May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.
7 Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw.
8 Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto.
9 Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito.
10 Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo.
11 Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila.
12 Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap.
13 Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.
14 Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.
15 Nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Maghahari na ngayon sa buong mundo ang ating Panginoon at ang Cristo na kanyang pinili. At maghahari siya magpakailanman.”
16 At ang 24 na namumuno na nakaupo sa mga trono nila ay lumuhod at sumamba sa Dios.
17 Sinabi nila,“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,kayo po ang Dios noon, at kayo rin ang Dios ngayon.Nagpapasalamat kami sa inyo dahil ginamit nʼyo na ang inyong kapangyarihan,at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18 Galit na galit ang mga taong hindi kumikilala sa inyo,dahil dumating na ang panahon upang parusahan nʼyo sila.Panahon na upang hatulan nʼyo ang mga patayat bigyan ng gantimpala ang inyong mga lingkod, mga propeta, mga pinabanal,at ang lahat ng may takot sa inyo, dakila man o hindi.At panahon na rin upang lipulin ang mga namumuksa sa mundo.”
19 Pagkatapos, binuksan ang templo ng Dios doon sa langit, at naroon sa loob ang Kahon ng Kasunduan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.