1 Nakita kong tinanggal ng Tupa ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buhay na nilalang: “Halika!” ang sabi niya.
2 Nang tumingin ako, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona. At umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.
3 Nang tanggalin ng Tupa ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buhay na nilalang, “Halika!”
4 At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay binigyan ng malaking espada at kapangyarihan upang magpasimula ng digmaan sa mundo at magpatayan ang mga tao.
5 Nang tanggalin ng Tupa ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan.
6 May narinig akong parang tinig mula sa apat na buhay na nilalang. At sinabi sa nakasakay sa kabayo, “Itaas mo ang presyo ng pagkain. Ang presyo ng isang kilo ng harinang trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng harinang sebada. Pero huwag itaas ang presyo ng langis at alak!”
7 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buhay na nilalang, “Halika!”
8 At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades. Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.
9 Nang tanggalin ng Tupa ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Dios.
10 Sumisigaw sila nang malakas, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?”
11 Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Dios, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at pumula ang buwan na kasimpula ng dugo.
13 Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin.
14 Naalis ang langit na parang binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila.
15 Nagtago sa mga kweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari, mga namumuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at ang lahat ng klase ng tao, alipin man o hindi.
16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Tupa.
17 Sapagkat dumating na ang araw na parurusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”