1 Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena.
2 Dinakip niya ang dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas – at saka iginapos ng kadena sa loob ng 1,000 taon.
3 Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at sinusian, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng 1,000 taon. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.
4 Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Dios. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Cristo sa loob ng 1,000 taon.
5 Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng 1,000 taon.)
6 Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Dios at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng 1,000 taon.
7 Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan.
8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin.
9 Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat.
10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.
11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita.
12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon.
13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila.
14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades. Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.