10 Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya.
11 Ang halimaw na buhay noon, pero patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.
12 “Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.
13 Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.
14 Lalabanan nila ang Tupa ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Tupa ang mga tapat na tagasunod niya na kanyang tinawag at pinili.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mo na inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika.
16 Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira.