Pahayag 17:2-8 ASND

2 Nakipagrelasyon sa kanya ang mga hari sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro niya, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa mga itinuro niyang kasamaan.”

3 Pagkatapos, napuspos ako ng Banal na Espiritu at dinala ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At sa buong katawan ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Dios.

4 Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang sekswal na imoralidad.

5 Nakasulat sa noo niya ang pangalang ito na may lihim na kahulugan: “Ang sikat na lungsod ng Babilonia, ang ina ng lahat ng babaeng bayaran at ng lahat ng kasamaan sa buong mundo.”

6 At nakita kong lasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga pinabanal ng Dios na ipinapatay niya dahil sa pagsunod nila kay Jesus.Namangha ako nang makita ko siya.

7 Pero sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay.

8 Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon, pero patay na ngayon. Pero muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.