5 Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Ang mga salitang ito ay totoo at maaasahan. Ang Panginoong Dios, na nagpapahayag sa kanyang mga propeta, ang siyang nagsugo ng anghel niya upang ipakita sa mga lingkod niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.”
7 Sinabi ni Jesus, “Malapit na akong dumating! Mapalad ang mga sumusunod sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito.”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat ng ito, lumuhod ako upang sumamba sa anghel na nagpakita sa akin ng mga ito.
9 Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat katulad mo, alipin din ako ng Dios at ng mga katulad mong propeta, at ng lahat ng sumusunod sa mga nakasulat sa aklat na ito. Ang Dios ang sambahin mo!”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya sa aklat na ito, dahil malapit na itong matupad.
11 Ang masama ay magpapakasama pa, at ang marumi ay magpapakarumi pa. Pero ang matuwid ay magpapakatuwid pa, at ang banal ay magpapakabanal pa.”