1 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at dalangin sa Dios ay ang kaligtasan ng aking mga kalahing Judio.
2 Ako na rin ang makakapagpatunay na masigasig sila sa kanilang paglilingkod sa Dios, kaya nga lang ay hindi ayon sa katotohanan.
3 Itoʼy sa dahilang hindi nila alam kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang isang tao. Nagsikap silang gumawa ng sariling pamamaraan sa halip na sundin nila ang pamamaraan ng Dios.
4 Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.
5 Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa taong itinuturing ng Dios na matuwid batay sa Kautusan: “Ang taong sumusunod sa Kautusan ay mabubuhay nang ayon sa Kautusan.”
6 Pero ganito naman ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ba ang aakyat sa langit?’ ” (para ibaba si Cristo).
7 “O di kayaʼy, ‘Sino ang bababa sa lugar ng mga patay?’ ” (para ibangon si Cristo mula sa mga patay).
8 Sa halip, sinasabi ng Kasulatan,“Ang salita ng Dios ay malapit sa iyo; nasa bibig at puso mo.”Itoʼy walang iba kundi ang pananampalataya na ipinangangaral namin:
9 na kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka.
10 Sapagkat itinuring ng Dios na matuwid ang taong sumasampalataya sa kanya nang buong puso. At kung ipapahayag niya na siyaʼy sumasampalataya, maliligtas siya.
11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
12 At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio. Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa kanya.
13 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.”
14 Pero paano sila tatawag kung hindi naman sila sumasampalataya sa kanya? At paano sila sasampalataya kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang nangangaral?
15 At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”
16 Pero hindi naman tinatanggap ng lahat ang Magandang Balita. Sinabi nga ni Isaias, “Panginoon, sino po ba ang naniwala sa sinabi namin?”
17 Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya.
18 Ito ngayon ang tanong ko: Hindi ba nakarinig ang mga Israelita? Nakarinig sila, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Narinig sa lahat ng dako ang kanilang tinig, at ang sinabi nila ay nakarating sa buong mundo.”
19 Kung ganoon, hindi ba nila ito naunawaan? Naunawaan nila, dahil ayon sa isinulat ni Moises, sinabi ng Dios sa kanila, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng ibang bansa. Iinisin ko kayo dahil ipapakita ko ang aking awa sa mga taong hindi nakakakilala sa akin.”
20 At buong tapang naman na sinabi ni Isaias ang sinabing ito ng Dios:“Natagpuan ako ng mga taong hindi naghahanap sa akin. Ipinakilala ko ang aking sarili sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”
21 Pero tungkol naman sa Israel, ito ang sinabi ng Dios: “Matagal akong nanawagan at naghintay sa isang bansang matigas ang ulo at suwail.”