Roma 3 ASND

1 Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging isang Judio? At ano ang kahalagahan ng pagiging tuli?

2 Totoong nakakahigit ang mga Judio sa maraming bagay. Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Dios.

3 Kung hindi naging tapat ang ilan sa pagsunod sa Dios, nangangahulugan bang hindi na rin magiging tapat ang Dios sa pagtupad sa kanyang mga pangako?

4 Aba hindi! Sapagkat tapat ang Dios sa kanyang mga salita, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Mapapatunayang tapat ka sa iyong salita, at laging tama sa iyong paghatol.”

5 Baka naman may magsabi, “Kung sa pamamagitan ng mga ginagawa naming masama ay makikita ang kabutihan ng Dios, hindi makatarungan ang Dios kung parusahan niya kami.” (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.)

6 Aba, hindi maaari iyan. Sapagkat kung ganyan, paano niya hahatulan ang mga tao sa mundo?

7 Baka naman mayroon ding magsabi, “Kung sa aking pagsisinungaling ay lumalabas na hindi sinungaling ang Dios, at dahil dito papupurihan pa siya, bakit niya ako parurusahan bilang isang makasalanan?”

8 Kung ganito ang iyong pangangatwiran, para mo na ring sinasabi na gumawa tayo ng masama para lumabas ang mabuti. At ayon sa mga taong naninira sa amin, ganyan daw ang aming itinuturo. Ang mga taong iyan ay nararapat lamang na parusahan ng Dios.

Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan

9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi.

10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.

11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.

12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”

13 “Ang kanilang pananalitaʼy hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.Ang kanilang sinasabiʼy puro pandaraya.Ang mga salita nilaʼy parang kamandag ng ahas.

14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.

15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.

16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.

17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,

18 at wala silang takot sa Dios.”

19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios.

20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.

21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito.

22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid.

23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios.

24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios.

25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila.

26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus.

27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus.

28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan.

29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat.

30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo.

31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16