1 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon.
2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan.
3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo.
5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol.
6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.
7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan.
8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit.
9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio.
10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio.
11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak, at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan.
13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito.
14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin.
15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol.
16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios.
18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan.
19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman,
20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan.
21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw.
22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo.
23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan.
24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”
25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli.
26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli.
27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito.
28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman.
29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.