2 Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay.
3 Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan.
4 Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao.
5 Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu.
6 Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan.
7 Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod.
8 Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.